Share this Post!

Naiparating sa aming ahensya ang pag-gamit ng isang food supplement ng opisyal na template na inilalabas tuwing may FDA Advisory, at pinalitan ito ng “FDA Recommendation” na nagsasabing ang kanilang produkto ay inirerekomenda ng FDA upang gamitin ng publiko.

Nais naming paalalahanan ang publiko na ang FDA ay hindi kailanman nagrekomenda o magrerekomenda nang pag-gamit ng anumang tatak ng isang produktong pangkalusugan. Pinangangalagaan ng ahensya ang kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng pag-iisyu ng License to Operate at Certificate of Product Registration/Notification sa mga establisyemento at produktong pangkalusugan na nag-apply at napatunayang sumunod sa patakaran at alintuntunin ng ahensya. Ang FDA Advisory ay ginagamit lamang ng ahensya sa paglabas ng mga opisyal na anunsyo, abiso, at pagbibigay alerto o babala sa publiko at mga kliyente nito at hindi sa pag-endorso ng anumang produkto.

Ang publiko ay pinaaalalahanan na maging maingat at mapanuri sa mga bibilhin o gagamiting produktong pangkalusugan. Maaaring gamitin ang FDA Verification Portal (https://verification.fda.gov.ph/Home.php) upang maberipika kung ang establisyementong gumawa o nagbebenta ay may LTO sa FDA, at kung ang produkto ay rehistrado o notipikado sa ahensya. Gayundin ang pagsusumite ng report sa mga establisyemento o produktong napag-alaman o hinihinalang hindi sumusunod sa mga alintuntunin ng ahensya sa pamamagitan ng pag-email sa ereport@fda.gov.ph upang akma itong maaksyunan.

Attachments