Sa pangunguna ni House Speaker at Leyte, 1st District Representative Hon. Ferdinand Martin Romualdez at Bukidnon Governor Rogelio Neil Roque, naganap ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BSPF) sa Malaybalay City, Bukidnon noong 11 – 12 Nobyembre 2023. Naging panauhin pangdangal ng nasabing pagtitipon ang Kalihim ng Department of Health (DOH) na si Sec. Teodoro J. Herbosa na nagpahayag ng buong pagsuporta sa BPSF. Binigyang-diin ni Sec. Herbosa ang importansya ng ganitong programa ng gobyerno upang makatulong sa ating mga kababayan.
Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BSPF) ay naglalayong maiparating ang iba’t-ibang serbisyo-publiko sa mga mamamayan at makalikha ng one-stop-service center upang mapadali ang pakikipag-transaksyon ng ating mga kababayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa kalusugan, pananalapi, trabaho, edukasyon at iba pa.
Nakiisa rin ang Food and Drug Administration (FDA) sa nasabing fair. Nagkaroon ng booth ang ahensiya upang ang mga kababayan nating may mga negosyo ay makapagtanong at makakuha ng kani-kanilang mga License To Operate (LTO). Nagsagawa rin ng Licensing Seminar for Drug Establishments at Licensing Seminar for Food Establishments ang mga kinatawan ng FDA upang ituro ang tamang proseso at mga kinakailangan ng mga dokumento sa pag-aapply ng LTO. Umabot sa isandaan at pitumpu’t – apat (174) ang dumalo sa nasabing mga Seminars.
Isa sa mga naging highlight ng nasabing programa ay ang pagbibigay ng FDA ng LTO sa limang FDA-regulated establishments na sumusunod sa Good Manufacturing Practices (GMP) at Good Distribution and Storage Practices (GDSP). Kabilang dito ang Mama Nene’s Homemade Delights mula sa Casisang, Malaybalay City; RSV Lifecare Marketing, Inc mula sa San Jose, Malaybalay City ; Organica Blackgold Processed Food Manufacturing ng Cabanglasan, Bukidnon ; Toffee’s Tablea Manufacturing ng San Fernando, Bukidnon ; at ang Bong Galon Herbal Oil Manufacturing mula sa South Poblacion, Maramag, Bukidnon.
Ang FDA, kasama ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ay nagsisikap upang mapadali ang pagbibigay ng mga serbisyong pampubliko sa mga mamamayan. Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, ang mga serbisyo ng pamahalaan ay makakarating sa mga mamamayan saan man panig ng bansa. Ang FDA, kasama ang DOH, ay tinitiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng kani-kanilang mga mandato.
#BPSF #FDAPhilippines #Educate #Regulate #Monitor
See more:-> https://bit.ly/3G9GnQI