Nitong Oktubre 20, Biyernes, nagtungo ang Food and Drug Administration (FDA) sa Sta. Cruz, Laguna upang magbahagi ng kaalaman sa mahigit 100 konsyumer ukol sa kung paano maging matalino, at maingat sa pagbili at paggamit ng iba’t ibang produktong pangkalusugan.
Ang naturang aktibidad ay alinsunod sa Republic Act 7394 (The Consumer Act of the Philippines) at Presidential Proclamation No. 1098, na nagbibigay ng kasiguraduhan na mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko, paigtingin ang kanilang kaalaman bilang konsyumer, at pagtatakda sa buwan ng Oktubre bilang Consumer Welfare Month.
Masiglang sinimulan ni Melody Borlagdatan, Health Program Officer I mula sa Policy and Planning Service ng FDA, ang talakayan sa tamang labelling ng mga produktong pagkain at mga paraan upang masiguro na tama ang pagkonsumo at pagtatago ng mga ito.
Tinalakay naman ni John Terence Gutierrez, Food-Drug Regulation Officer II ng Center for Cosmetics and Household/Urban Hazardous Substances Regulation and Research (CCHUHSRR), ang kahalagahan ng age grading o ang angkop na edad sa mga laruan (para sa 14 taong gulang pababa) na nakasulat sa packaging nito upang masiguro na ligtas ang mga bata sa binibiling laruan.
Binahagi naman ni Krischelle Mae Ofrecio, Food-Drug Regulation Officer II mula sa CCHUHSRR, kung ano ang pinagkaiba ng mga produktong cosmetics sa gamot at kung paano dapat ito ginagamit. Nagbigay naman ng paalala si Jessica Joy David, Food-Drug Regulation Officer III ng Center for Drug Regulation and Research, sa kahalagahan ng pagbili ng gamot sa mga lisensyadong botika at ang importansya ng reseta sa pagbili ng mga gamot.
Sa huling bahagi ng programa, nagpasalamat si Ginoong Jel Jiongco, Executive Assistant ni Laguna Vice Governor Atty. Karen Agapay, sa FDA sa masigasig na adbokasiya upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili.
Binigyan diin naman ni Ester Pastolero, Division Chief ng Policy Dissemination and Training Division ng FDA at Officer-in-Charge ng Food and Drug Action Center, ang hangarin ng FDA na abutin ang bawat sulok ng bansa upang tiyakin na ligtas ang mga produktong pangkalusugan at may sapat na kaalaman ang mga konsyumer sa pagkonsumo at pagbili ng mga ito.
Bilang mandato ng FDA na panatilihing ligtas, epektibo, dalisay, at dekalidad ang mga produktong pangkalusugan sa bansa para sa mamamayang Pilipino, gaganapin ang ilang mga aktibidad ng ahensya ukol sa Consumer Welfare Month sa Pasig City at Lucena City, Quezon Province sa nalalabing mga araw ng Oktubre.
#ConsumerWelfareMonth2023 #FDAPhilippines #FDA #Educate #Regulate #Monitor
See more:-> https://bit.ly/3tOlQhC