Share this Post!

Nitong nakaraang Oktubre 27, 2023, idinaos sa lalawigan ng Quezon ang ikahuling yugto ng Consumer Welfare Month Celebration na programa ng Food and Drug Administration (FDA) – Policy and Planning Service (PPS) tuwing buwan ng Oktubre.

Ang programa ay alinsunod sa Republic Act 7394 (The Consumer Act of the Philippines) na nagtatakda ng kalipunan ng mga patakaang nagbibigay proteksyon at nangangalaga sa interes ng mga mamimili. Ang selebrasyon ay batay rin sa Presidential Proclamation No. 1098 na nagtakda sa buwan ng Oktubre bilang Consumer Welfare Month taon-taon.

Nasa isangdaan at dalawampu’t lima (125) na mga Barangay Health Workers (BHWs) at local food manufacturers mula sa iba’t-ibang panig ng Quezon Province ang dumalo sa nabanggit na pagdiriwang kasama ang mga lokal na opisyales sa pangunguna ni Dr. Ana Clarissa S. Mariano at Deputy Chief of Staff John Francis L. Luzano.

Ang mga kinatawan ng FDA ay nagbahagi ng mga kaalaman upang maging matalino at mapanuri ang mga mamimili sa pagbili, paggamit o pagkonsumo ng mga produktong pangkalusugan. Ang mga paksang tinalakay bilang bahagi ng pagdiriwang na may temang “Making Informed Decision : Guide to Health Product Safety” ay matiyagang ipinaliwanag ng mga resource persons mula sa Policy and Planning Service at Center for Cosmetic and Household Urban Hazardous Substances Regulation and Research (CCHUHSRR).

Bilang panimula ng programa, ipinakilala ni Ms. Ester Pastolero ang FDA – ang mandato, organizational structure, mga pinuno at ang mga produktong pangkalusugan na nasa ilalim ng hurisdikyon nito.

Ipinaliwanag ni Ms. Melody Borlagdatan na ang pagbasa at tamang nilalaman ng mga food product labels ay sadyang mahalaga upang matiyak ang kaligtasan ng mamimili at masiguro ang tamang paggamit ng mga processed at pre-packaged food products.

Ang kaalaman sa cosmetic products at ang pagkakaiba nito sa mga gamot gayundin ang kahalagahan ng age grading sa mga toys (para sa edad katorse pababa) ay tinalakay din ng mga kinatawan ng Center for Cosmetics and Household Urban Hazardous Substances Regulation and Research (CCHUHSRR) na sina Jesus Gamueda at Henrick Joseph Capati.

Si Dr. Irene V. Florentino-Farinas, Director III/OIC ng PPS, ang nagbigay ng paliwanag ukol sa mga drug and medicines. Pinaalalahanan nya ang mga kalahok na bumili lamang ng mga gamot sa mga FDA-licensed drugstores at uminom ng mga gamot ayon sa nireseta ng doktor upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasyente.

Ang FDA ay patuloy na magsasagawa ng mga adbokasiya at programa na naglalayong mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan at mamimili alinsunod sa mandato ng ahensya na siguraduhin na ligtas, epektibo at dekalidad ang mga produktong pangkalusugan.

#FDA #Educate #Regulate #Monitor

See more:-> https://bit.ly/3shAVYG