Share this Post!

Nakiisa ang Food and Drug Administration (FDA) sa isinagawang price monitoring and inspection ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kahabaan ng Tabora Street, Divisoria Mall, at Sta. Elena Street sa Maynila kahapon, Agosto 17.

Sa pangunguna ni DTI Sec. Fred Pascual at Direktor ng Field Regulatory Operations Office (FROO) South Luzon Cluster Arnold Alindada, kanilang sinuri at inalam kung sumusunod sa tamang presyo ang mga nagtitinda ng mga kagamitang pang eskwela tulad ng mga lapis, watercolor, notebooks, pad papers, at crayons. Nangalap rin ng mga produkto tulad ng crayons, watercolors, poster paint, at popsicle sticks ang FDA sa mga binisitang tindahan upang masuri ng ahensya kung ang mga ito ba ay naglalaman ng mataas na lebel ng heavy metals tulad ng Cadmium, Mercury, at Lead.

Pinaalalahanan naman ng FDA ang mga mamimili na suriin kung ang mga school supplies ay aprubado ng ahensya at bumili lamang sa mga lehitimong tindahan ng mga school supplies upang matiyak na ligtas ang mga ito para sa kanilang mga anak.

Ayon sa Consumer Act of the Philippines o Republic Act No. 7394, ang mga gumagawa, nag-aangkat, tagapamahagi, at mga nagtitinda ay maaaring managot sa batas sa mga pinsalang dulot sa mga mamimili ng dahil sa mga depektibo at hindi ligtas ng mga produkto pati na rin ang may mga kulang o hindi sapat na impormasyon sa paggamit at panganib na maaaring maidulot.

Ang FDA ay patuloy na makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagsusulong ng mandato na siguraduhing ligtas at de-kalidad ang mga produktong pangkalusugan para sa lahat ng mga mamimili.

#FDAPhilippines #FDA #Educate #Regulate #Monitor

See more:-> https://bit.ly/3sem1SG